Monday, July 1, 2013

Ume-essay

Ume-essay
ni Ma. Emicon M. Medenilla


            Marami akong utang kay Sir Eros Atalia.

            Pinaka-una na siguro ay 'yung hindi ko pagtapos basahin ng libro niyang Peksman. Nakuha ko 'yung librong 'yun bilang isang exchange gift nung Christmas of 2009. Nasimulan ko siyang basahin at umabot na ko dun sa part na hirap na hirap humanap 'yung character ng trabaho. Hanggang ngayon 'di ko pa din siya tapos.

            Pangalawang utang ko siguro ay nung hindi ako magpasa sa kanya ng soft copy ng mini-research paper ko sa FIL2. Laking tuwa ko nung i-present ko sa klase 'yung research ko. Nag-survey kasi talaga ako sa 100 respondents nun (na mukhang hindi pinaniniwalaan ni Sir Eros nung mga panahong iyon na nag-survey talaga ako sa isangdaang katao). Ang working title ko ata nun ay Stereotyping sa Tabloid. Sinubukan kong aralin kung nasi-stereotype ba ang tabloid bilang isang bastos na babasahin.

            Pagtapos kong i-present 'yung research, modesty aside (favorite quote ko na yan by Eros Atalia), na-beri good niya ko. Sabi niya i-save ko daw 'yun sa CD at ipasa ko sa kanya. Sa totoo lang, hindi ko na maalala kung yan nga ba talaga 'yung research na ginawa ko nun. Pero sure akong na-beri good niya ko.

            Sumunod na utang ko ay 'yung paniniwala ko sa sinabi niyang “Kung hahayaan na lang ng mga kababaihan na sila ang ligawan, kung hahayaan na lang nila na maghintay sa kung sino 'yung lalapit sa kanila, malamang ay matutulog at gigising sila gabi-gabi sa tabi ng taong hindi nila pinili pero pinili ng lipunan para sa kanila.” Hindi verbatim pero parang yan 'yung punto. Nagamit ko na rin ang paniniwalang yan sa isa sa mga essays ko na, ika nga ni Sir Eros-- modesty aside, mukhang maraming natuwa naman. At 'yun din 'yung isa sa mga piyesa ko na pinasa para makapasok sa kanyang writing clinic.

            Hindi ako nakapag-paalam sa kanya na gagamitin ko 'yung paniniwala niyang 'yun sa isa sa mga essays ko. Sa klase niya lang kasi 'yun sinabi sa amin nung third year college ako. Pano nga ba mag-cite ng quotation pag narining mo lang siya sa klase?

            Isang malaking utang ko rin malamang ay 'yung makapasok ako sa writing clinic niya. Libre lang kasi... tapos may libreng pakain pa lagi. Isa siguro ako sa mga matitigas ang ulo sa writing clinic na ito kasi hindi ako on-time magpasa ng mga sulatin, hindi ako agad nagbabasa ng gawa ng other fellows, at may iilang absences din ako. Sayang nga 'di ako nakasama nung may book launch sa La Solidaridad bookshop.

            Di ko alam pano ako makakabayad sa mga utang na ito. Siguro 'yung unang dalawang utang ko, madali lang bayaran kasi tatapusin ko lang basahin 'yung Peksman, at siguro bibili na din ako nung iba niya pang mga libro. Tapos siguro ipag-burn ko na siya ng kopya ng mini-research paper ko ('yun ay kung mahalungkat ko pa sa files ko 'yung research paper na 'yun).

            Pero 'yung huling dalawa, mahirap atang bayaran 'yun. Priceless kasi. 'yung paniniwala about choice ng mga kababaihan na hindi lang maghintay sa manliligaw nila, nakatulong sa akin 'yun para hindi ako matakot aminin sa taong gusto ko na gusto ko siya. Kung gusto din ba ako nung taong gusto ko, mahabang storya 'yun kaya 'di ko na ikukwento dito. Para kay Sir Eros lang ang ume-essay na sulating ito.

            Bukod sa pag-alala ng mga utang ko mula kay Sir Eros, isang magandang alaala ko din na kasama si Sir Eros ay 'yung tinatawag niya kong 'Nice Socks' sa klase dati. Sa aming lahat kasi, ako lang ang nagsusuot ng medyas sa black shoes. Black socks sa black shoes. Minsan may print na bulaklak, at minsan ay stripes na brown, grey, and black. 'Yung isa kong kaibigan, tinatawag niya namang 'Nice Boots' kasi naka-boots siya (malamang). Hindi naman kami nagpapapansin kaya kami nagsusuot nun. Pero madalas kami mapansin ni Sir Eros. Kahit nga classmates namin 'di kami pinapansin sa tinagal-tagal na ganun yung mga suot namin. Ayun.

            Bakit ko shinare 'yung alaalang 'yun? Wala lang. Pampahaba ng ume-essay na sulating ito.

            Pero ang punto ko talaga siguro sa essay na ito-- gusto kong maging katulad ni Sir Eros. Siyempre hindi naman katulad na katulad. Masaya naman ako sa ibang aspeto ng pagkatao ko pero gusto ko maging katulad niya in a sense na maging best-selling author din ako na may sarili kong boses. 'Yung dumami din 'yung pera ko sa pamamagitan ng pag-gamit ng kakayahan ko sa pagsusulat.

            Marami-rami pa kong dapat gawin para maging katulad ni Sir Eros. Sa ngayon ipinagdadasal ko na sana, mapanindigan ko 'yung pagtahak sa daang ito. Sabi kasi nila Sir Eros at Sir Ricky Lee, nakakagutom daw ang daang ito. Okay lang, basta mabusog ko 'yung puso ko sa pamamagitan ng pagbuo sa pangarap ko. Nasimulan ko na, kailangan ko na lang kumpletuhin pa.

            Sabi niya sa isang status update niya, nagpapasalamat daw siya at napagtiyagaan namin siya bilang guro namin sa writing clinic niya. Para sa akin, 'di ko naman siya pinagtiyagaan. Gusto ko talagang maging teacher ulit siya. At sana'y maging mentor ko na rin.

            Habang isinusulat ko ang ume-essay na sulating ito, naisip kong 'di kaya ma-offend si Sir kasi parang binibigyan ko na siya ng eulogy habang buhay pa siya? Pero naalala ko ang Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom-- mas magandang sabihin natin ang ating mga saloobin sa mga taong naa-appreciate natin habang nabubuhay pa sila.


            Na-appreciate ko talaga si Sir Eros Atalia. At nawa'y madami pa siyang birthdays na i-celebrate at madami pa siyang maging fellows.


No comments :

Post a Comment