Monday, July 1, 2013

PKE (Para kay Eros)

PKE (Para kay Eros)
ni Leng de Chavez


February 2008, 2nd year high school. Nasa National Bookstore-Alabang Town Center kami ng best friend kong si Nabeel. Actually nag-aayos kami ng papers para sa Values Activity namin sa Elsie Gaches (na tapat ng ATC). Pero tumambay muna kami sa National at tumingin ng mga libro. Binabasa ko nun yung back cover ng Macarthur ni Bob Ong nang kalabitin niya ako.

"Uy tignan mo 'to."

Ako naman, tinignan ko. May hawak pala siyang libro, kasing-size ng Bakit Baligtad ni Bob Ong. Nainis ako sa cover, yung mamang bungal na todo ngiti pa sa camera. Peksman yung title.

"Ano yan? Anong kwento?" inis kong tanong kay Nabeel. At ang gago, alam na inis ako sa cover, todo lapit pa sa mukha ko. Umalis kami ng bookstore na walang binibili, at di ko nalaman ang kwento nung libro.

May 2010, isang buwan bago ako pumasok ng kolehiyo. Bumibili ako nun ng binder nang maalala ko yung Peksman. Ewan, bigla ko na lang natandaan yung libro. Siguro dahil dun sa nakatabi kong bungal? Ah ewan. Pumunta ulit ako sa Phil Pub section pero walang Peksman dun. Ligo Na U, Lapit Na Me lang ang nakita ko. At dahil mahilig akong mag-aksaya ng pera sa libro, binili ko aagad. Pero di ko binasa, inamoy ko lang.

Mga September ata nun, 2010, nang basahin ko ang Ligo Na U. Bumagsak kasi ako sa midterms ko sa Math. Nakatago yung libro sa ilalim ng cabinet ko. Ewan ko talaga, natripan ko lang yun. Pero pucha, maya-maya hindi ko na matigilan ang pagbabasa. Bakit? Maraming dahilan. Pwedeng pogi ang naiisip kong Intoy (kahit di naman gaano, ayon sa description sa kwento), inis na inis ako kay Jen (ayaw magcommit!), nakakatawa (pukang ama talaga!).. basta marami! Kahit bitin yung dulo, nasatisfy ako. Naging totoo sa imahinasyon ko si Intoy. Ang ingay-ingay niya! Ganun ang tipo kong kwento. At nag-iba ang tingin ko sa pusa. Hay.

Simula nun medyo naging stalker ako ni Sir Eros. Kinukulit ko pa nga ang kabarkada kong taga-Bio sa UST para ikuha ako ng autograph! Eh shy type yun so bitin. 2011 nang bilhin ko ang Peksman. Medyo malalim pero nandun pa rin ang humor. Sa totoo lang dahil dun naimagine ko ang magiging job interview ko if ever. Ayoko na tuloy magtrabaho.

July 2011, Cinemalaya. Nabalitaan ko na kasali dun ang indie film ng Ligo Na U. Sobrang nabadtrip ako na di ko mapapanood! Nasa Los BaƱos kasi ako buong linggo at ang haggard pumunta sa Manila. Nagdasal pa ako nun na sana may pirated DVD na lumabas two months later. Pero iba ang lumabas! September, saktong 18th birthday ko, pinarequire ng Bio lab instructor namin na manood ng Ligo Na U na ipapalabas sa DL Umali. Excited na expectant na hindi ako mapakali nung nakaupo na ako sa auditorium. Medyo ilag kasi ako sa mga libro na ginagawang pelikula. Pero wow, tuwang-tuwa ako! Inabangan ko pa nun si Sir kasi kadalasan pumupunta rin yung author sa showing. Kaso bigo ako. Oh well papel.

Sa totoo lang nainis ako kay Sir Eros kasi bitin yung Ligo Na U. Bigla na lang mawawala si Jen? Tapos sa pelikula may pahabol pa. Anak ng tinapa talaga! Ang sakit sa puso eh! Nung lumabas ang It's Not That Complicated last year, bili agad ako. Triple shit sobrang sakit. In a good way. Ay ewan, nakakaloka. Pero ang pinakapaborito ko sa lahat? Yung 'Wag Lang Di Makaraos'. Trip ko ang flash fiction ni Sir. Nandun ang humor kahit maikli ang kwento. Sarap basahin!

January 16, 2013 - pinalabas sa LB ang Intoy Shokoy. Fangirling kami ng roommate ko! Kahit may 7pm class ay pinilit ko pa ring manood. Nastarstruck pa ako kay Sir! Nakakatakot pala siya sa personal. Dala-dala ko yung apat na libro na papapirmahan ko. Ang pinakanagustuhan ko sa autograph niya ay yung dun sa Wag Lang Di Makaraos: Kay Leng, sana makaraos ka rin. Saktong-sakto kasi nung linggo na yun, pamatay na exams sa majors, reporting at kadramahan ang pumutakte sa'kin. Nakakagaan ng loob. May picture pa!

Akala ko doon na ang huling pagkakataon na makikita ko si Sir. Buti na lang nagstatus siya sa FB tungkol sa writing workshop! Pinaghandaan kong mabuti yung kwento ko, nahiya naman kasi ako. Nasundan 'to ng paghihintay sa text message na akala ko hindi na dadating. Napasigaw pa ako sa apartment nung natanggap ko ang text ni Sir, madaling araw pa ha!

Natatakot ako sa workshop nung una. Hindi kasi ako sanay na makihalubilo sa mga kapwa writer. Sanay ako na mga tagabasa lang ng teen fiction stories ko ang kumi-criticize sa'kin. Tsaka parang ang hirap i-please ni Sir. Dagdag pa diyan na medyo socially awkward ako. Ang hirap talaga! Pero bakit ako nagpatuloy? Kasi gusto kong matuto at dapat kong harapin ang takot ko sa kritisismo. At baka malaman ko kung si Sir at si Bob Ong ba ay iisa.

Halos tatlong buwan din ang workshop kay Sir Eros. Nakakapagod bumiyahe pa-Manila pag weekend! Lalo na nung may summer class ako sa Statistics. Bangag na nga sa numbers, may workshop pa. Hindi ako nagrereklamo. Laking pasalamat ko na napasama ako sa workshop ni Sir Eros. Worth it ang pagod sa pagbibiyahe! Marami akong natutunan, di lang kay Sir, pati na rin sa mga kasama ko.

Si Sir Eros Atalia? Akala ko nakakatakot (laking mama eh!) at sobrang intimidating. Akala ko sobrang strikto (hmmm). Hindi pala.. masyado. Nakakatakot ako kay si Sir kasi alam niya ang hinahanap niya. Bilib ako sa mga taong ganun, mga self-actualized (naks ganun?). Naging OC tuloy ako sa mga pinapasa! Pero nakatulong yun sa'kin sa pagsusulat. Galing!

Katulad si Sir ng mga kwento niya: maingay, maraming gustong sabihin, may laman, hindi basta-basta. Marami ang nakakarelate sa ganun, at isa na ako dun. Sobrang benta sa’kin ang kupal moments niya! Kahit minsan puro punchlines ang sinasabi niya, ang dami kong natutunan sa kanya. Salamat, sir. Dahil sa mga libro mo ang dami kong narrating na lugar, bastos man o makatotohanan. Hindi ko makakalimutan ang mga natutunan ko sa inyo. Wag niyo rin kami kakalimutan ha? Batch 1 kami, sobrang possessive. Haha!

Makakaraos din ako, promise yan.


  

No comments :

Post a Comment