Sunday, September 8, 2013

Unang Putok: THE BOOK LAUNCH!

Nais pong pasalamatan ng The Erotics, ang lahat ng nagpunta, naghanap, naghintay at nangulit para sa Unang Putok ng The Erotics sa Aklatan 2013. Nais din po namin humingi ng pasensya para sa mga hindi nakabili ng kopya :( Mayroon hindi muna bumili ng ibang libro dahil hinhintay ang Unang Putok, mayroon pang galing sa klase at agad na dumiretso sa Aklatan, mayroon namang nagklase muna  tsaka bumalik, mayroon din namang taga-Bulacan pa pero hindi muna umuwi. At maraming umaali-aligid at pabalik-balik sa table para mag-abang.


Napag-sang ayunan ng grupo na pinakamahirap sagutin ang tanong na “Mayroon pa po bang libro?”, dahil naubos AGAD-AGAD-AGAD-AGAD, ang very, very, very, few and humble stocks namin on hand, (pati ‘yun sample namin, nakuha din haha). Hindi agad kami makapag-bigay ng konkretong sagot kung saan pa nila pwedeng masilayan ang libro.

Magkahalong tuwa ang naramdaman namin para sa mga interesado, na hindi naman kakilala o kaibigan at naging pala-isipan sa aming 15 kung ano ang susunod na mangyayari.

Kaya nang matapos ang Aklatan, sa Mang Inasal ng Alphaland, nagsimula kaming magplano.  Noong una, meet-up lang dapat para sa mga nagregister sa Aklatan na interesadong bumili. Naging meet and greet, pagkatapos dagdagan na raw ng signing session. Hanggang naging maging ideya ang sarili naming book launch. Sa gitna ng mga gutom na sikmura at mapupulang pagod/inaantok na mga mata nabuo ang konsepto. Kailangan maghanap ng lugar, gumawa ng program at mag-isip ang iba pang sikat na writers na pwedeng imbitahin at syempre pa, ang mga gagawin para ipakalat sa buong sambayanan na magkakaroon ng sariling book launch ang The Erotics (para naman di kami langawin haha).

Syempre naisip namin, sayang naman. Mayroon kaming sariling closed group sa Facebook at hindi lalagpas ang isang araw na hindi bumabaha ng comments at notifications sa loob ng group. Madaling araw man, gising ang karamihan sa amin para mag-ayos at maitaguyod ang libro. Sa gitna ng klase at trabaho, magka-chat at magka-text pa rin na nagkakamustahan.

Dalawang linggo rin nabugbog ang grupo, sa ilang gabing pag-eedit/pag-rerevise ng mga storya, sa pag-lay out ng 30 PDF story files, pag-design ng book cover, paghagilap ng mga blurbs, paggawa ng poster (naka-ilang version din kami), pagpa-photocopy ng mga pamphlet, pagpakalat sa Instagram ng mga excerpts ng bawat storya, pagsubok/pagpakahirap na kumuha ng ISBN at ang pagpapakalat sa Facebook ng announcement.


Sayang naman, na hindi mababasa ng iba ang pinaghirapan naming i-workshop sa loob ng 12 weeks, sayang naman na hindi maibi-bida ng grupo ang mga natutunan namin mula kay Sir Eros.

Kaya kung hindi man sa Aklatan maibenta at mailako ang libro, hahanap pa rin kami ng paraan!

Kahit tentative pa lang, sabay-sabay po nating paghandaan ang September 28, 2013 para sa book launch ng Unang Putok! Malamang, itataguyod na naman ng grupo sa loob ng 20 days ang lahat ng kailangan, pero kakayanin ng The Erotics para lamand sa mga instant-fans noong Aklatan at para sa lahat ng kaibigan at kakilala na patuloy na sumusuporta sa aming maliit na book project :).  Sa lahat po ng makakabasa nito, sana po, suportahan niyo pa rin kami sa pagtatangkang maging writers, kahit pa po self-publish kami.

This is it! PART 2!
Gusto rin pasalamatan ng The Erotics, ang printer ng libro. Talagang hindi kami pinabayaan, kahit na hindi natulog ng dalawang araw, at naki-isa sa mga workers ng shop para lang maitaguyod ang libro. Kahit pa sa huli eh bumigay ang binding machine nila. Maraming salamat sa pag-ako ng printing, dahil walang ibang printer ang kukuha ng rush at 3 days left remaining na lang. Maraming salamat po Sir Eros Atalia, maliban sa Palanca awardee, mentor, professor, siya ang pinaka-masipag, matibay at napakagaling na printer!  (parang natuluan niyo pa ata ng pawis ang ibang kopya, hahahahaa)


At para po sa mga announcements, kung saan at anong oras ang soft book launch namin, paki-like lang po ang Facebook page namin, www.facebook.com/UnangPutok Dito po ang lahat ng updates, announcement at maglalagay po kami ng mga teasers at posters.  At kung may katanungan po kayo, welcome na welcome po kayong mag-message!

Unang Putok. 30 kuwento. 15 manunulat. 1 libro.


Taos puso po kaming nagpapasalamat! See you soon! 
Loveeeee, The Erotics!